Ang Mayo at Ang Buhay Pinoy



Ilang sandali na lang, lilipas na naman ang Mayo. Simula na naman ng buhay. May pasok na naman ang mga matatag ang pangarap. Tapos na ang bakasyon. Malulungkot na naman ang mga ilog at picnic groves na hindi tinigilan hanggang mapuno ng mga duming karamiha'y plastik na kung susuriing mabuti ang epekto'y "irreversible" sa kalikasan.

Ano ba ang Mayo sa buhay-pinoy?

Summer kasi ang Mayo kaya anihan. Sa ganitong panaho'y masaya ang lahat. Masagana ang buhay kahit isang buong taong naghirap ang pamilya. Ang ganitong panahon ay isang paraan ng pagpapahinga sa matagal na pagpapakasakit sa buhay. Ang sakripisyo'y panandaliang nakakalimutan. Nagdiriwang ang pamilya kasama ang buong angkan.

Bakasyon sa buwan ng Mayo. Ang "curricular cycle" ay tapos na kaya ang mga nagpakasakit sa kanilang mga klase at nagbigay-pasakit sa kanilang mga kaklase't guro ay masayang nagtatampisaw sa ilog, ulan, at init na sinasang-ayunan ng sariwang paligid na puno ng kulay at saya.

Panahon ng pasasalamat ang buwan ng Mayo. Marahil ang perspektibong ito ay dahil sa pagiging "agrarian society" natin. Para sa nakararami, ang buhay ay umiikot sa pagsasaka. Ang anihan ay simbolo ng katapusan at ng isa na namang simula -- ang paghahanda para sa panibagong panahon ng pagtatanim. Ang Mayo ay ang kabuuan ng mga pangarap ng nakararaming pamilyang pinoy. Dito nakasalalay ang desisyong magpatuloy sa pag-aaral ang mga anak. Dito rin inaasa ang pangarap na ang isang binata't dalagang nagmamahalan ay pumasok na sa isang seryosong buhay. Ang Mayo ay isang piping saksi sa pagbabalikan at muling pagkakaugnay ng mga matagal nang magkakaibigan at mga mahal sa buhay na matagal nang nagkahiwalay dahil sa maraming dahilan. Oo, panahon ng "reunion" ang Mayo.

Para sa isang bansang mahigit tatlong daang taong walang labang sinakop ng mga dayuhan, ang Mayo ay hinubog ng kolonyal na paniniwala. Ang Katolisismo na pinalaganap ng mga Kastila sa Pilipinas ay isang importanteng dahilan kung bakit ang kalendaryo ng Mayo ay hitik sa sayang dulot ng kaliwa't kanang pista. Ang pista ay karaniwang ipinagdiriwang dahil sa kapanganakan, kamatayan, o "canonization" ng isang banal na Kristyanong ipinagbubunyi bilang patron o patrona ng barangay, bayan o lungsod sa alin mang dako ng bansa. Ang pista ay may "religious significance". Ito ay hindi lang paghahanda ng engrande. Ito ay hindi lamang panahon ng pagpapakasaya sa mga organisadong programa na ginagawang "political tool" ng mga taong may pangarap muling mailuklok sa pwesto o kaya'y umakyat sa mas mataas na posisyon sa "bureaucratic ladder". Ang pista ay hindi lamang tungkol sa mga benefit dance, amateur singing contest, o mga magarbong sagalahang karaniwan nang ginagamit para iwagayway ang katalinuhan, ganda, o pagiging malikhain -- bagito man o propesyunal sa iba't ibang larangan. Sa totoo lang, ang pista ay isang "colonial strategy" na ang pinakatatanging dahilan ay hikayatin ang isang walang paniniwala na maniwala, o ang isang tuyong kaluluwa na unti-unting gawing dahilan ang kanyang sariling buhay bilang tunay na saksi na sa dako pa roon ay may responsable kung bakit nangyayari ang isang bagay, hindi lamang dahil ito'y ginusto, kundi ang lahat ay nakatakda.

Tuwing pumapasok ang Mayo, hindi ko maiwasang maging senti o maging nostalgic. Promdi kasi talaga siguro ako, laki sa malawak na bukirin, maraming beses na nangarap makaalpas sa isang kumbensyong inaruga ng kahirapan at pagpapakasakit. Hindi ko pinangarap yumaman. Hindi ko rin pinangarap makarating sa malayo at iwanan ang lugar na minsan nang naging dahilan ng maraming tuwa, pag-asa, luha, at kabiguan. Pero sa tuwing darating ang Mayo, mapapalitan ang lahat ng kulay. Papasok uli ang mga dagdag sa hinabing maliliit na pangarap. Ibabalik ang pag-asang pwedeng pag ibayuhin ang tiyaga upang maabot ang mga simpleng inaasam.

Ang Mayo ay isang buwang buong-buong ipinagdiwang ng isang mag-asawang sa loob ng sampung mahabang taon ay maraming beses nangarap na mabiyayaan ng anak. Sa panahon ng paghihintay, naging saksi ang Mayo sa mga ngiting namutawi sa kanilang mga labi. Naging malayang saksi rin ang Mayo sa mga pangarap na minsan pa'y gusto nilang maging daan upang kahit sa simpleng paraan ay maging masaya ang kanilang kaisa-isang anak.

Ang Mayo ay buhay para sa mga pinoy. Ito rin ay nagbigay-buhay sa isang taong minsan nang nangarap na matupad ang kanyang mga hinabing pangarap.

Ilang sandali na lang at paalis na ang Mayo. Isang taon na naman ang nadagdag sa promding pinoy. Ngunit ang pangarap na hinabi para sa sarili't pamilya ay kasalukuyan pa ring binubuo. Hindi madali ang pagbuo ng mga pangarap pero marami pang Mayong darating at ang pangarap ay unti-unting maisasakatuparan.


**A repost from my old blog atenista.multiply.com

Comments